CAGAYAN DE ORO CITY – Maghahain ng kaso ang pamilya at mga kaanak ng pinakahuling biktima ng hazing sa loob ng Philippine Military Academy (PMA) na si Cadet 4th Class Darwin Dormitorio na taga-lungsod ng Cagayan de Oro.
Ito ang tahasang inihayag ng tiyahin ng 20-anyos na kadete na binawian ng buhay dahil sa sobrang bugbog na tinanggap nito mula sa ilang upperclassmen sa PMA sa Baguio City noong nakaraang linggo.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Michelle Usman na hindi nila palalagpasin ang sinapit ng kanyang pamangkin na nagsisimula pa lamang mangarap na maging sundalo.
Inihayag ni Usman na ang pagsasampa nila ng kaso laban sa ilang PMA officials at mga kadete ay upang magbigay-leksyon na magiging daan para tuluyan nang matigil ang kultura ng hazing sa loob ng institusyon.
Ginawa ni Usman ang komento ilang araw ang nakalipas nang dumating ang labi ni Dormitorio na kasalukuyang nakaburol sa Cosmopolitan Funeral Homes sa siyudad.