-- Advertisements --
PMA FIELD INTERGRITY COURAGE
Philippine Military Academy

CAGAYAN DE ORO CITY – Ikinagalak ngayon ng pamilya Dormitorio na tuluyan nang naisampa ang mga kasong kriminal laban sa pitong kadete at ilang opisyal ng Philippine Military Academy (PMA) sa piskalya sa Baguio City.

Ito ay matapos na mismong si Dexter Dormitorio kasama ang kanilang abogado ang dumulog sa city prosecutor’s office ng Baguio upang palakasin pa ang isinampa na mga kaso ng pulisya laban sa mga suspek pagpatay kay PMA Cadet 4th Class Darwin Dormitorio.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Dormitorio na nakaluwag ng kaunti kahit papaano matapos mayroon ng kaso na inihain laban sa mga responsable.

Inamin ng pamilya na magsisimula pa lamang laban upang makamtan ang hustisya para kay Darwin na namatay sa sobrang bugbog ng mga kadete noong Setyembre 18.

Sa ngayon, nanawagan ang pamilya na sisimulan nang iwasan na masyadong ma-expose ang kanilang identity sa publiko lalo pa’t inaasahan nila na gagawa rin ng legal actions ang mga kinasuhan nila na mga PMA cadets at officials.

Kabilang sa kinasuhan ng violation sa anti-hazing law, anti-torture act at murder sina Cadet 1st Class Axl Rey Sanopao, Cadet 2nd Class Christian Zacarias, Cadet 3rd Class Felix Lumbag Jr., Cadets 3rd Class Shalimar Imperial, Cadet 3rd Class John Vincent Manalo, Cadet 3rd Class Rey David John Volante at Cadet 3rd Class Julius Carlo Tadena.

Kinasuhan din ng deriliction of duty sina PMA officials Army Maj Rex Bolo, Capt Jeffrey Batistiana, Capt Flor Apple Apostol, Capt Maria Ofelia Beloy at Lt. Col. Cesar Candeleria.