-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY -Naniniwala ang pamilya Dormitorio at mga kaanak nito na ‘partial at selective’ lamang ang pagpapatupad ng gobyerno sa anti-hazing law sa bansa.

Ito ang ilan sa mga naging reaksyon ng pamilya kaugnay na hindi lahat ng mga itinuro na responsable nang pagkamatay ni late 4th Class Darwin Dormitorio ng Philippine Military Academy (PMA) ang nasampahan ng mga kasong kriminal sa piskalya ng Baguio City.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ng tagapagsalita ng pamilya na si Dexter Dormitorio na bagamat ikinagalak nila na nakita ng prosekusyon na maari talagang ma-apply ang anti-hazing law sa loob ng PMA subalit hindi nila na naitago na dismayado rin sa naging findings dahil nakaiwas ang ilang mga kadete at AFP officials sa criminal liability.

Inihayag ni Dormitorio na tila hindi umano nakita ng mga imbestigador ang uri ng mga ebedensiya na naisumite nila para mahabla ang nasa likod ng hazing incident ng kanyang nakababatang kapatid noong Setyembre 18,2019.

Bagamat, nagpapasalamat pa rin ang pamilya sa mga prosekyutor na sa kabila ng COVID-19 pandemic ay naipalabas nila ang resolusyon na magdidiin ng ilang mga kadete at military officials na direktang mayroong sangkot nang masawi si Dormitorio sa kamay ng kanyang PMA upper classmen.

Kabilang sa mga pinasampahan ng anti-hazing law violation ang mga kadete na sina Shalimar Imperial Jr, Felix Lumbag Jr,Julius Carlo Tadena.

Samantala, kasong murder din ang kakaharapin ni Imperial, Lumbag,AFP Capt Flor Apple Apostol, Maj Maria Ofelia Beloy at Lt Col Ceasar Candeleria.

Kakaharapin naman ni Tadena at Christian Zacarias ang slight physical injuries.

Subalit absuwelto naman ng kahit anumang criminal liability ang mga kadete na sina Cadet 1st Class Axl Rey Sanopao,3rd Class Rey David John Volante,3rd Class John Vincent Manalo,AFP Maj Rex Bolo,AFP Capt Jeffrey Batisiana ingon man si AFP Lt General Ronnie Evangelista at Brig Gen Bartolome Vicente Bacarro na top officials ng PMA dahil sa kawalan ng mga ebedensiya.