-- Advertisements --
maguindanao massacre victims family harry

VIGAN CITY – Hindi pa rin natatahimik ang pamilya Momay, tatlong araw pagkatapos ng makasaysayang promulgasyon sa Maguindanao massacre case na tumagal ng 10 taon bago madesisyunan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Maria Reynafe Momay-Castillo na nag-iisang anak ni Reynaldo, ang photojournalist na isa sa mga biktima ng nasabing massacre na hindi natagpuan ang bangkay, kung mabibigyan umano ng pagkakataon ay babalik siya sa pinangyarihan ng karumal-dumal na krimen at siya ang maghahanap sa bangkay o kalansay ng kaniyang ama.

Iginiit ni Castillo na hindi umano tama ang paghahanap sa bangkay ng mga biktima kaya maaaring ito ang pangunahing rason kung bakit hindi natagpuan ang labi ni Reynaldo.

Aniya, ito raw ang siyang rason kung bakit napawalang-sala ang mga suspek na nakasuhan na may kaugnayan sa pagkamatay nito bilang ika-58 count ng multiple murder case.

Liban dito, hindi rin pinagbigyan ng judge ang civil damages para sa pamilya dahil sa kabiguan daw ng prosekusyon na maipakita ang “body of crime.”

Ani Castillo, nanlulumo pa rin sila na hanggang ngayon dahil pagkatapos ng 10 taon ay hindi pa rin nila nabibigyan ng hustisya ang nangyari sa kaniyang ama at tila nakalimutan pa na isa ito sa mga biktima ng nasabing massacre.

Nauna na ring sinabi ng kanilang ina, na hindi na mahalaga ang civil damages pero ipagpapatuloy nila ang paghahanap ng hustisya para kay Reynaldo.