Siniguro ng pamilya Marcos na bibigyan nila ng karampatang tulong ang mahigit 200 biktima ng food poisoning sa birthday celebration ni dating First Lady Imelda Marcos sa Ynares Sports Center, lungsod ng Pasig.
Sa inilabas na pahayag ni dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., humihingi sila ng paumanhin at pang-unawa sa nangyari at patuloy umano ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga biktima.
Handa rin daw ang pamilya Marcos na makipagtulungan sa mga kinauukulan para mapabilis ang isinasagawang imbestigasyon.
“Kami po ay nakikipag-ugnayan sa mga naapektuhan at patuloy na umaasikaso sa kanila,” pahayag ni Marcos. “Ako po ay humihingi ng paumanhin at lubos na pag-unawa sa nangyaring ito. Makaaasa po kayo sa aming tulong hanggang sa ang lahat ay tuluyang gumaling.”
Naglibot na rin ang ilan sa mga tauhan ni dating Sen. Marcos sa mga ospital na pinagdalhan sa mga biktima ng food poisoning.
Sa pahayag naman ni acting Pasig City Disaster Risk Reduction and Management Council head Bryant Wong, nakipag-ugnayan na daw sila sa Food and Drugs Adminstration (FDA) ukol sa pagsusuri ng adobong manok, itlog, at tubig na ininom ng mga dumalo sa okasyon.
Ayon kay Wong, posibleng tatlong araw ang abutin bago malaman ang resulta.