GENERAL SANTOS CITY – Malungkot ang pamilya Pacquiao sa pagkatalo ni Senator Manny Pacquiao kontra kay Cuban boxer Yordenis Ugas sa laban nito sa T-Mobile Arena Las Vegas Nevada, USA.
Sa panayam ng Bombo Radyo GenSan, inihayag ni Mommy Dionesia Pacquiao, ina ng fighting senator na tanggap nito ang resulta ng laban kung saan mupabor ang mga judges kay Ugas.
Inamin nitong noong nakaraang araw pa ay mayroon na itong nakitang ‘signs’ na matatalo si Manny ngunit ipinagpatuloy pa rin ang pagro-rosaryo hanggang sa matapos ang bakbakan.
Bago sa laban kay Ugas kanina, hangad ni Mommy D na hanggang 3 rounds lamang tatagal ang laban kung saan papabor sa anak ang resulta.
Aniya noon pa ay kinausap niya ang anak na tumigil na sa pagboboksing subalit humiling si Manny na magreretiro lang kung makaka-tatlong sunod-sunod na panalo.
Bagaman nangyari ito matapos na talunin ni Pacman noong 2018 si Lucas Matthysse, at Adrien Broner at Keith Thurman noong 2019 ay hindi ito nagpaawat at lumaban pa rin kay Ugas.
Sa tingin nito na hindi umano pumantay si Manny, 42 anyos sa lakas sa mas bata sa kanya na si Ugas, 35 yrs. old.
Muling iginiit ni Mommy D na handa ang kanyang puso sa pagkatalo ng anak dahil alam naman nitong sa lahat ng laban ay may panalo at may talo rin.
Habang sa tingin nito na ang talo ni Manny ay senyales na umano na dapat na itong isabot ang kanyang boxing gloves.
Pinayuhan naman ni Mommy D ang mga fans ng fighting senator na huwag panghinaan ng loob.
Nabatid na maraming taga GenSan at Sarangani Province ang malungkot sa pagkakatalo ni Manny sa Cuban boxer.