-- Advertisements --

VIGAN CITY – Hindi maiwasang madismaya at sumama ang loob ng pamilya ni Reynaldo Momay na isa sa mga pinaniniwalaang biktima ng Maguindanao Massacre noong 2009 ngunit hindi nakita ang bangkay nito sa massacre site sa naging desisyon ng korte kaninang umaga.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Maria Reynafe Momay- Castillo na nag-iisang anak ni Reynaldo na naka-base sa Minnesota, US, sinabi nito na sa desisyon ng korte kanina na hatulan ng guilty at maikulong ng higit sa 40 taon ang mga pangunahing suspek sa krimen dahil sa 57 counts of murder na kanilang kinakaharap ay wala umanong hustisyang naibigay para sa kaniyang ama.

Iginiit nito na mayroon umano silang mga ebidensiyang ipinakita sa korte na kasama ang kaniyang ama sa convoy ng mga biktima ng massacre ngunit hindi pa rin ito naging sapat para sa korte.

Aniya, nakahanda umano siyang umuwi sa bansa upang iyapela sa mas mataas na korte ang kaso ng kaniyang ama upang makamit nila ang hustisya dahil 10 taon nila itong hinintay.

Kung maaalala, si Momay ang bukod tanging biktima ng nasabing krimen na hindi nakita o nahukay ang bangkay nito sa massacre site at tanging dentures, ID at ilang gamit lamang na positibong kinilala ng kaniyang pamilya na pag-aari nito ang nakita sa lugar.