CENTRAL MINDANAO-Tulong ang panawagan ng ilang pamilya na hinagupit ng Buhawi sa probinsya ng Cotabato.
Ayon kay Rose Jabido residente ng Barangay Upper Glad 2 Midsayap Cotabato na hindi pa siya nakatanggap ng tulong at hindi rin siya napuntahan ng mga ahensya ng gobyerno para mabigyan ng konting tulong o kaya galing sa Barangay.
Nawasak ang gilid ng tahanan ni Jabido nang mabuwal ang isang puno na mangga dahil sa lakas ng ulan at hangin.
Dahil sa tindi nang buhawi na tumama sa bayan ng Midsayap at Aleosan Cotabato maraming bahay ang nasira,mga pananim,paaralan,simbahan at ibang estraktura ng pamahalaan.
Nawalan rin ng suplay ng kuryente sa dalawang bayan dahil sa maraming poste ng Cotabato Electric Cooperative (Cotelco-PPalma) ang natumba at mga punong kahoy.
Unang nagresponde at tumulong sa mga residente sa bayan ng Midsayap sa mga pamilya na nabagsakan ng punong kahoy ay si dating Cotabato Ist District Board Member Rolly Sacdalan.
Sinabi ni Sacdalan na sa panahon ng kalamidad lahat ay tulong tulong para makabangon sa hagupit ng sakuna.
Sa ngayon ay maraming mga Barangay pa sa bayan ng Midsayap at Aleosan ang walang suplay ng kuryente dahil sa daming punong kahoy na nabuwal at linya ng kuryente na naputol.
Sinisikap naman ng Cotelco-PPalma na maibalik ang normal na suplay ng kuryente at nagpapatuloy ang kanilang pagsasaayos sa mga lugar na grabeng sinalanta ng Buhawi.