-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Kaagad nasawi ang ina ng isang pamilya matapos in-ambush sa Piat, Cagayan, kaninang umaga.

Ayon kay Rizal, Cagayan Vice Mayor Joel Ruma, nagtatrabaho sa kanya ang ama ng pamilya bilang mekaniko at driver kaya agad siyang pumunta sa crime scene sa Barangay Dugayong nang mabatid ang sinapit ng pamilya.

Ang kanyang pick-up aniya ang ginamit ng mga biktima sa pagpunta sana sa Tuguegarao City para bumili ng krudo.

Maliban sa namatay, tatlo ang nasugatan sa pamamaril kabilang ang ama habang hindi naman nasaktan ang dalawang anak ng mag-asawa.

Sinabi ni Ruma na hintayin na lamang ang imbestigasyon ng mga otoridad kung sino ang tunay na target sa ambush.

Nabatid pa mula kay Ruma na ang mag-anak na binubuo ng anim na miyembro ay mula pa sa Mindoro at inirekomenda sa kanya ng isang kaibigan para magtrabaho sa kanya.

Nitong Enero nang magsimula bilang kanyang mekaniko at driver ang padre de pamilya.