DAVAO DEL SUR – Naghihinagpis at nagpupuyos sa galit ang mga magulang ni alyas Ina, isang 12-anyos na grade 6 student, matapos makita ang viral video ng pambubugbog na ginawa ng apat na Junior High School Students sa kanilang anak sa Barangay Tuban, Sta. Cruz, Davao del Sur.
Nanindigan ang mga magulang ng biktima lalo na ang ina na si Regina Ramos na wala silang planong makipagkasundo o makipag-areglo sa mga magulang ng mga suspek.
Ibinunyag ng ina ni alyas ina na magsasampa sila ng kaso laban sa mga suspek at hinding-hindi na magbabago ang kanilang desisyon dahil sa galit at sakit na kanilang naranasan.
Nais nilang hindi na ito maulit pa at wala ng ibang mga menor de edad ang mabiktima ng pangbubugbog sa kapwa rin nitong mga menor de edad.
Sa kabilang banda, nagtungo na sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang ama ni alyas Ina para komprontahin ang mga magulang ng mga bumugbog sa kanilang anak.
Sa pambubugbog na iyon, nagtamo ng maraming sugat at pasa sa ulo, leeg, tenga at likod ang 12-anyos na bata kung saan hindi ito makatulog ng maayos dahil sa sakit.
Isinailalim na rin ito sa CT scan dahil sa pagdurugo ng tenga nito at madalas na pagsusuka ng dugo.
Ayon kay Regina, si alyas Ina ay isang masayahing bata ngunit ngayon ay halos hindi na ito makausap at palaging balisa.
Pitong kabataan umano ang sangkot sa insidente, kung saan apat na babae ang tumulong para bugbugin si alyas Ina, habang ang isa ay kumuha ng video at dalawang lalaki naman ang nagsilbing referee.
Samantala, hindi alam ng mga magulang ni alyas Ina ang dahilan ng pambubugbog sa mga suspek, ngunit alam nilang may grupo o gang ang nasabing mga menor de edad na “Black Angel” at grupong “Star”.
Sa kabilang banda, isang konsehal ng Davao City ang nagpapanukala na maglagay ng anti bullying help desk sa mga barangay na syang mangangalaga sa mga biktima na bigong makamit ang hustisya sa kanilang sinapit upang maglunsad ng agarang imbestigasyon at aksyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Davao kay Davao City 3rd District Councilor Enzo Villafuerte, Chairman ng Committee on Civil Political and Human Rights, inilahad ng konsehal na lubhang ikinaalarma ngayon ang tumataas na bilang ng kaso ng bullying sa mga paaralan at maging sa ibang lugar bagay na dapat agad na aksyonan.