-- Advertisements --

ILOILO CITY – Pursigidong magsampa ng kaso ang pamilya ng 13-anyos na dalagita na biktima ng gang rape sa Brgy. Poblacion, Barotac Nuevo, Iloilo.

Ang biktima ay kinilalang si alyas Ivy, 13 anyos, Grade 8 student at pangtatlo sa 10 magkakapatid.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Tatay Junior, ama ng biktima, sinabi nito na limang lalaki ang gumahasa sa kanyang anak at kinunan pa ng video ang panghahalay.

Kabilang sa mga suspek ayon kay Tatay Junior ay ang 19-anyos na residente ng Barangay Poblacion; 17-anyos na residente ng Barangay Guintas; 15-anyos at 16-anyos na mga tubong Barangay Tabuc Suba at isa pang 16-anyos na taga-Barangay Cabilauan sa nasabing bayan.

Aniya, mismo ang lola ng biktima ang nagpaalam sa kanila hinggil sa kumakalat na sex video.

Ihinayag ng ama na natakot ang kanyang anak na ipaalam sa kanila ang ginawang panghahalay dahil sa banta ng kasintahan ng isa sa mga suspek.

Hindi naman napigilan ni Tatay Junior na maglabas ng sama ng loob dahil na ikinalat pa sa Facebook messenger ang sex video ng kanyang anak.

Napag-alaman na inako ng isa sa mga suspek na lima sila ang gumahasa sa biktima.