KALIBO, Aklan — Hustisya ang panawagan ng pamilya ng 13-anyos na dalagitang si Jillian Pateno dahil sa hindi makataong pagpatay sa kanya at may posibilidad pang ginahasa ito ng hindi pa nakikilalang suspek sa Brgy. Unidos, Nabas, Aklan.
Natagpuan ang biktimang nakadapa sa gilid ng sapa na may malaking sugat sa ulo na mistulang hinampas ng bato, mga pasa sa iba’t-ibang bahagi ng katawan at wala nang saplot pang-ibaba.
Ayon kay Mariche Pateno, ina ng biktima, matulungin at mabait na anak si Jillian.
Sinabi nito na nagpaalam lang ang kanyang anak na pupunta sa piso wifi vendo machine na hindi kalayuan sa kanilang bahay upang makagamit ng internet bago mangyari ang krimen noong Huwebes ng gabi.
Hindi nila ito hinanap sa pag-aakalang nakitulog lamang ito sa kanilang kaanak.
Kinaumagahan ay natagpuan ang bangkay ng biktima ng kanyang tiyuhin na mamimingwit sana sa nasabing sapa.
Wala umano silang alam na may manliligaw o boyfriend ang kanilang anak, subalit may mga chatmate.
Iniimbestigahan pa ng pulisya ang motibo sa pagpatay at pagtukoy sa salarin.