-- Advertisements --

NAGA CITY- Ibinunyag ngayon sa Bombo Radyo ng ina ng isa sa dalawang bata na muntikan ng makidnap sa bayan ng Pili, Camarines Sur na nakakatanggap sila ng panggigipit mula sa kampo ng mga suspek.

Ito ay matapos na pansamantalang nakalaya ang tatlong salarin na itinuturong nasa likod ng insidente nang payagang makapagyansa ng korte.

Sa panayam kay Lerma Velosa, sinabi nito na matapos makalaya ang nasabing mga suspek, nakakatanggap daw sila ng mga mensahe para i-atras ang kanilang isinampang kaso.

Sa kabila nito nanindigan si Velosa na kahit ano ang mangyari, hindi sila magpapatinag sa mga natatanggap na mensaheng mula sa kabilang panig.

Maaalala na pauwi na sana ang dalawang bata nang haraningin ito ng isang pick-up at pwersahang isinakay sa sasakyan ngunit maswerteng nakatakas ng dalawa.

Sa follow-up operation ng mga otoridad naharang ang nasabing sasakyan sa karatig bayan ng Ocampo sakay ang tatlong naarestong suspek.