CAUAYAN CITY – Nanawagan ng tulong sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang pamilya Limbauan sa Sta. Maria, Isabela upang mabilis silang makakuha ng pasaporte.
Layon nito na mabisita ang dalawa nilang kaanak na nasugatan matapos sagasaan ng isang kotse na unang bumangga sa bakal na railings sa side road ng Lucky Plaza sa Singapore.
Nagdiriwang ng birthday ang isa nilang kasama at uuwi sana kahapon sa Pilipinas kaya nagtipon-tipon sila sa nasabing lugar na paboritong tambayan ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Singapore.
Kabilang sa mga nasugatan sa insidente ang magpinsan na sina Egnal at Demet Limbauan na kapwa residente ng Lingaling, Sta. Maria, Isabela.
Sa naging eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jhun Limbauan, kapatid ni Egnal at pinsan nila si Demet, sinabi niya patuloy na nagpapagaling ang kaniyang kapatid at pinsan sa isang ospital sa Singapore.
Ayon kay Mr. Limbauan, bagamat nabalian ng buto sa baywang ay walang problema sa dugo at iba pang organs ng kanyang kapatid.
Nagkaroon sila ng video call ng kanyang kapatid at ikinuwento nito na kumakain sila sa kanilang tambayan sa Lucky Plaza dahil birthday ng isa nilang kaibigan nang bigla silang sagasaan ng humaharurot na sasakyan.
Tumilapon si Egnal at iba pang kasama ngunit napuruhan ang dalawa nilang kasama matapos tumama sa pader ang isa habang nadaganan ng kotse ang isa pa.
Ayon kay Limbauan, inaasikaso naman ng kanyang employer ang kapatid ngunit nais sana nilang maiuwi si Egnal upang maayos ang pagpapagaling sa tinamong injury sa aksidente.
Nais nilang masampahan ng kaso ang driver ng kotse ngunit depende aniya sa kanyang kapatid kung ano ang kanyang desisyon at kanilang mga kasama.