TACLOBAN CITY – Labis pa rin ang paghihinagpis sa ngayon ng mga naiwang pamilya ng anim na sundalo na nawalan ng buhay sa nangyaring engkwentro sa Borongan, Eastern Samar.
Ayon kay Junjun Infante, ama ni PFC Junmar Buranday na nakatakda sanang magdiwang ng ika-23 kaarawan ngayong Disyembre, labis ang kanilang kalungkutan na nararamdaman sa ngayon dahil sa hindi inaasahang pangyayari.
Aniya, bagama’t masakit para sa isang magulang na mawalan ng anak naniniwala naman itong hindi mawawalan ng saysay ang pagkamatay ni Buranday dahil naipaglaban nito ang bansa sa kaniyang ipinakitang serbisyo at pagbubuhis ng buhay.
Samantala, ayon naman sa asawa ni Sgt. Rex Jadulco,na isa rin sa mga namatay na sundalo, hanggang ngayon ay hindi nila matanggap ang nangyari at hindi rin niya alam kung ano ang gagawin ngayon wala na ang kanyang asawa.
Panawagan nito kay Pangulong Rodrigo Duterte na pahigpitin ang pagsugpo sa mga rebelde upang hindi na maulit ang ganitong insidente at upang wala nang sino man na magbubuhis ng buhay at mapapatay ng mga NPA.
Nabatid na sa ngayon ay patuloy na nakaburol ang labi ng anim na mga sundalo sa Catbalogan samantala pinabulaanan naman ng mga militar na nadagdagan ang bilang ng mga namatay dahil sa engkwentro.
Sa ngayon ay nasa mabuting kalagayan na an 20 mga sundalo na nasugatan sa nasabing insidente.