Desidido ang pamilya ng quarantine violator sa General Trias, Cavite na namatay na maghain ng reklamo matapos na sapilitang pinagawa ang 300 rounds ng pumping exercise.
Ayon kay Reichelyn Balce, naaresto ang live-in partner nito na si Darren Peñaredondo dahil sa paglabag sa curfew noong Abril 1.
Bibili lang sana ito ng tubig subalit inabutan ito ng curfew kaya sinabihan ito na gumawa ng pumping exercise ng 100 beses bilang parusa.
Dahil sa hindi sabay-sabay ang mga naarestong violators ay umabot pa sa 300 beses nila itong nagawa.
May inilabas namang video ang misis nito kung saan makikitang hirap na hirap si Peñaredondo na lumakad at tumayo.
Nitong Sabado ay nanghina ang biktima kaya itinakbo sa pagamutan hanggang sa tuluyan na itong binawian ng buhay.
Tiniyak naman ni General Trias Mayor Ony Ferrer na magsasagawa ito ng masusing imbestigasyon sa alegasyon ng pagpapahirap sa nasabing biktima na mayroon na palang sakit sa puso.
Handang tutulungan aniya ng local government ng General Trias ang kaanak ng biktima.
Mariing pinabulaanan naman ni General Trias Police chief Lt. Col. Marlo Solero na pinagawan nila ng pumping exercises ang mga naarestong violators.
Aniya, ang mga naaresto ay kanilang pinagagawan ng community services.