KORONADAL CITY – Sumisigaw ng hustisya sa ngayon ang pamilya ng drug surrenderee na pinagbabaril-patay pasado alas-6:00 kaninang umaga sa Purok Everlasting, Barangay Avancena, Koronadal City.
Kinilala ang biktima na si Samuel Guanzon, 43, isang tricycle driver at residente din ng nabanggit na lugar.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Manong Abner, maaga pang pumunta sa harap ng kanilang tindahan ang biktima at habang nagkakape ay nag-usap umano sila kaugnay sa negosyo.
Sandali niya umanong iniwan ang pamangkin at isa pang kapitbahay nila na kausap nito dahil binuksan nito ang kaniyang car wash ngunit minuto lamang siyang nakalayo ay nakarinig na agad ito ng putok.
Nakita niya umano ang riding in tandem suspects na pumatay sa pamangkin nito kung saan ang angkas ng motorsiklo na naka-sombrero at may facemask ang siyang bumaril ng limang beses sa biktima.
Agad umanong lumayo ang mga suspek matapos gawin ang krimen.
Aminado naman si Manong Abner na drug surrenderee ang pamangkin ngunit nagbago na umano ito.
Sa ngayon, humihingi ng tulong ang pamilya Guanzon sa pagpapalibing sa biktima dahil mahirap ang buhay dulot din ng pandemic na nararanasan sa ngayon.
Napag-alaman na may asawa at mga anak ang biktima.