Umaasa ang libo-libong pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJK) na kanilang makakamit ang hustisya kaugnay ng kalunos-lunos na sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay sa International Criminal Court (ICC), na nagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay sa madugong drug war ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang sinabi ni dating Bayan Muna Representative Neri Colmenares sa ika-8 pagdinig noong Biyernes ng Quad Comm ng Kamara de Representantes, isang panel na binubuo ng apat na komite na nagsisiyasat sa EJK, kalakalsn ng iligal na droga, iligal na operasyon ng POGO, at mga paglabag sa karapatang pantao.
Si Colmenares, na kumakatawan sa National Union of People’s Lawyers na nakikipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC, ay nagsabi na tiniyak ng mga responsable sa EJK na magiging mahirap ang pangangalap ng ebidensya upang patunayan ang kanilang ginawa.
Aniya, nakasaad sa death certificates na mga biktima ay namatay ang mga ito dahil sa broncho-pneumonia at hindi dahil sa tama ng bala.
Iginiit pa ng dating mambabatas, na katwiran ng mga responsable sa krimen, na karaniwan ay mga pulis, na nanlaban ang mga drug suspect kaya sila napatay.
Dagdag pa niya, iniimbestigahan na ng ICC ang mga EJK sa bansa simula pa noong 2017-2018.
Sa hiwalay na pahayag, hinimok naman ni Gabriela Women’s Partylist Rep. Arlene Brosas ang administrasyong Marcos na makipagtulungan sa ICC sa kanilang imbestigasyon sa mga kaso ng EJK.
Una nang inihayag ng mga opisyal ng gobyerno na hindi makikipagtulungan, subalit hindi rin naman hahadlangan ang ginagawang imbestigasyon ng ICC.
Iniimbestigahan ng ICC si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at ilang mga opisyal nito, kabilang ang dating hepe ng Philippine National Police at ngayon ay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, sa mga alegasyon ng crimes against humanity na ginawa sa gitna ng kanilang anti-illegal drug campaign.
Nauna rito ay sinabi ni Duterte na kumakalas na ang Pilipinas sa pagiging kasapi ng ICC nang malaman na iniimbestigahan nito ang mga kaso ng EJK na resulta ng kanyang war on drugs.
Sa ginanap na pagdinig noong Biyernes, napakinggan ng Quad com ang mga testimonya ng mga kapamilya ng mga biktima ng EJK sa Davao City at Cebu City, na dating pinangasiwaan ni Ret. Col. Royina Garma.