-- Advertisements --

DAVAO CITY – Nanawagan ngayon ang pamilya ng namatay na first year college student na si Angel Ceazar Saplot ng ‘privacy’ dahil na sa nangyaring insidente kung saan walang awang isinailalim ang 19-anyos sa hazing o initiation rites ng AKRHO Alpha Delta Chapter sa Upper Mandug, Buhangin, Davao City nitong Linggo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Davao sa isa sa mga tiyahin nito, inabisuhan sila ng kanilang lawyer na hanggat maari ay wag magbigay ng mensahe sa publiko at ang lawyer nalang ng nasabing pamilya ang magbibigay ng anunsyo sa pamamagitan ng isang press conference.

Sinubukan rin ng Bombo Davao na makakuha ng pahayag sa ina ng biktima ngunit tumanggi ito.

Kahapon ng umaga ay isinagawa ang first court hearing ng mga suspek at ang pamilya ng biktima, at pasado alas singko naman ng hapon nang dumating ang bangkay ni Saplot sa bahay nito sa Purok 9, Patuntungan, Tibungco, Davao City.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang paghihinagpis ng mga pamilya at kamag-anak ni Saplot.

Apat na araw rin ang kanilang hihintayin bago lumabas ang resulta ng autopsy report.

Nahaharap ang walong suspek sa kasong RA 8049 o Anti-Hazing Law habang patuloy pa rin na pinaghahanap ng mga otoridad ang anim na iba pa na kasalukuyang at large.