-- Advertisements --

ILOILO CITY – Nanawagan ng tulong sa Marcos administration ang pamilya ng Ilongga na nasawi sa pagtama ng magnitude 7.8 na lindol sa Türkiye.

Ito ay si Rosemarie Ga Uzagan 61, residente ng Daragan, Buenavista, Guimaras at nagtatrabaho bilang Domestic Helper sa Antakya, Hatay Turkey.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Pastor Winston Ga, pamangkin ni Rosemarie, sinabi nito bago ang pandemya, pumunta ang kanyang tiyahin sa Türkiye kung saan nakapangasawa ito ng Turkish national.

Ayon kay Ga, mapagmahal at mapagbigay ang kanyang tiyahin kung saan inuuna nito na tulungan ang kanyang pamilya bago ang kanyang sarili.

Hindi nila anya inaasahan na mapapasama sa mga nasawi ang kanyang tiyahin.

Umaasa rin ito na mapagbigyan ng gobyerno ang kanilang kahilingan na mapauwi ang labi ng kanilang tiyahin.