LA UNION – Nakakalungkot man ang nangyaring trahedya sa Singapore noong Linggo, na pagkasawi ng dalawang katao at ikinasugat ng apat na iba pa, ipinagpapasalamat naman ng pamilya Laudencia ang pagkakaligtas ng kanilang ina, na siyang bread winner ng mga ito.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Liezel, 19, anak ng survivor na si Laila Laudencia, natakot sila sa pangyayari ngunit para silang nabunutan ng tinik, nang makumpirma mismo nila sa kanilang ina, na ligtas ito at konting fracture lamang sa paa, ang kanyang tinamo.
Sa panayam naman kay Ruby Soriano, kapatid ni Laila, inamin nito na naging emosyunal sila, ngunit nagpapasalamat sila sa Diyos, na hindi malubha ang tinamong sugat ng kapatid, at itinuturing nila itong magandang regalo ngayong pasko at bagong taon.
Aniya, si Laila lamang ang inaasahan ng kanyang dalawang anak, si Leizel na nasa kolehiyo na at 10-anyos na bunso na si Prince Aaron, dahil isa itong single parent.
Si Laila ay isa sa apat na nakaligtas sa car accident sa Singapore noong hapon ng Linggo.