LAOAG CITY – Tila’y panaginip pa rin para sa pamilya ni Police Officer 2 Omar Nacionales, isa sa mga namatay na Special Action Force o SAF 44 ang nangyaring Mamasapano massacre sa Mamasapano, Maguindanao.
Ito ay kahit na isang dekada na ang lumipas mula nang mapatay ang mga SAF troopers sa pananambang ng mga militanteng Moro Islamic Liberation Front.
Ayon kay Mrs. Aleta Nacionales Tabullinar, kapatid ng yumaong si PO2 Nacionales, na hanggang sa ngayon ay ay tila’y hinihintay pa rin nila ang pag-uwi ng kanyang kapatid.
Mahirap nga raw kalimutan ang kapatid niya sa kabila ng mahabang panahon na lumipas dahil maituturing itong breadwinner sa kanilang pamilya noong nabubuhay pa ito sa pamamagitan ng pagpapaaral sa kanilang bunsong kapatid.
Kaugnay nito, nagpasalamat si P/Col. Frederick Obar, Provincial Director ng Ilocos Norte Police Provincial Office sa lahat ng SAF 44 sa kanilang sakripisyo at katapangan sa pakikipaglaban kahit na ang kabayaran ay ang kanilang sariling buhay.
Samantala, nagsagawa naman ng misa at wreath laying ceremony sa Ilocos Norte Police Provincial Office ngayong araw bilang paggunita sa ika-10 anibersaryo ng pagkilala sa kabayanihan ng SAF 44.
Maaalalang si PO2 Omar Nacionales ay residente ng Barangay Escoda sa bayan ng Marcos dito sa lalawigan ng Ilocos Norte ngunit inilibing ito sa lalawigan ng La Union kung saan siya nakapag-asawa.