-- Advertisements --

Mananatili umano sa isip at puso ng naiwang pamilya ni Luz Fernandez ang mga alaala ng beteranang akres.

Nitong Sabado, March 5, nang sumakabilang-buhay si Luz sa edad na 86 matapos atakihin sa puso at ibinurol ang labi sa Loyola Memorial Chapel sa Marikina.

Sa panayam ng Bombo Radyo sa apo ni Luz na si Dr. Celestine Trinidad, tanggap naman daw nila ang pagpanaw nito bagama’t ikinagulat dahil sa pag-aakalang nakakarekober naman sa karamdaman kahit tinamaan pa ng virus noong nakaraang buwan.

“Last month po nagka-COVID siya, na-admit din po siya sa ospital for four days tapos na-discharge naman kahit na positive pa rin siya actually pero stable enough to be discharged. So nagre-recover sana siya sa bahay, akala namin parang getting better. Bigla na lang nagsusuka siya, nanghihina….. ‘Nung nasa ospital na uli, nakita na meron siyang pneumonia tapos nagtuloy-tuloy na po from there,” wika ng doktor sa Bombo Radyo.

Kuwento pa nito, hindi na na-confine sa intensive care unit ang kanyang lola Luz dahil maliban sa walang bakanteng kuwarto, ay nasa stable condition din ito. Nagpaalam lang din aniya ito ilang minuto bago atakihin sa puso, na matutulog lang hanggang sa hindi na maging “responsive.”

Taliwas din aniya sa naging kontrabida image nito, “source of life” sa tunay na buhay ang kanyang lola Luz.

“Parang analogy rin po para sa akin ‘yon sa kanya kasi mga character niya laging kontrabida, laging masungit, bruha, pero sa totoong buhay po kasi, very cheerful siya and sweet,” dagdag pa nito.

Ngayong araw ay ihahatid na sa kanyang huling hantungan si Luz Fernandez na isa sa mga ikinatampukan ay ang “Okay Ka, Fairy Ko” kung saan ginampanan nito ang papel bilang evil witch na si Luka.

Taong 2015 nang gumanap naman siya bilang si Lola Basyang sa “Tatlong Kuwento ni Lola Basyang” ni Severino Reyes.

Maliban sa telebisyon, aktibo rin si Tita Luz sa larangan ng radyo at pelikula.