-- Advertisements --

Pamilya ng lalaking nabaril ng pulis sa loob ng Tumauini PS matapos umanong mag-amok, nanawagan ng hustisya; pulisya nagpaliwanag

CAUAYAN CITY – Nanawagan ng hustisya ang naulilang pamilya ng lalaking nabaril ng isang pulis sa loob ng Tumauini Police Station matapos umanong mag-amok.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cora Palogan kapatid ng biktimang si Francisco Palogan, sinabi niya na bagamat lasing at nag-amok ang kanyang kapatid batay sa mga impormasyong nakarating sa kanila ay kwestyonable ang naging proseso ng pulisya dahil wala na ang katawan ng kanyang kapatid sa himpilan nang sila ay pumunta at pagdating sa morge ay nalinisan na rin ito.

Iginiit niya na nais nilang makita ang mga katibayan na susuporta sana sa mga impormasyong kanilang inihayag dahil walang maipakitang CCTV footage o litrato man lang sa insidente.

Dapat aniya ay hinintay ng PNP ang pamilya ng biktima bago ginalaw ang bangkay nito at dinala sa pagamutan.

Maliban dito ay kwestyonable rin ang direksyon ng tama ng bala na tumagos sa dibdib ng biktima na sanhi ng kanyang pagkasawi.

Sa ngayon ay naihatid na sa huling hantungan ang kanyang kapatid.

Samantala, naglabas ng paglilinaw ang pamunuan ng Tumauini Police Station kaugnay sa aksidenteng pagkakabaril ng kanilang imbestigador kay Francisco Palogan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Charles Cariño, hepe ng Tumauini Police Station, sinabi niya na si Palogan ay nasangkot sa isang aksidente sa daan noong September 1 sa San Mateo, Tumauini, Isabela.

Una silang tumugon sa aksidente na kinasasangkutan ng isang van at kolong-kolong.

Nagpositibo sa alcoholic breath analyser si Palogan bago siya dinala ng imbestigador sa himpilan ng pulisya kasama ang tsuper ng nakabanggaan nitong van maging ang apat pang pasahero.

Pagdating sa himpilan ay sinubukan nilang magkaareglo ang dalawang panig ngunit naging agresibo si Palogan at nag-amok.

Hinugot niya ang kutsilyo sa kanyang tagiliran at unang hinabol ng patalim ang imbestigador na agad namang nakatakbo sa loob ng himpilan at pumasok sa investigation room.

Ibinaling umano ni Palogan ang atensyon nito sa iba at hinabol din ang mga pasahero ng nakabanggaan niyang van ngunitt nakatakbo sila.

Dahil hindi naabutan ang mga pasahero ng van at isa pang pulis ay bumalik si Palogan sa harap ng investigation room.

Pagkabukas ng imbestigador sa pinto ay nagulat siyang nandoon si Palogan at akma siyang sasaksakin kaya nabaril niya ito na tinamaan sa dibdib na tumagos sa kaniyang likod.

Dinala sa pagamutan si Palogan ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician.

Ayon kay PMaj. Cariño una na rin nilang nakaugnayan ang pamilya ng biktima at naipaliwanag ang pangyayari.

Nilinaw din niya na bagong tayo lamang ang kanilang gusali at wala pang naka-install na CCTV camera dahil kasalukuyan palang ang procurement request nila sa pamahalaang lokal kaya wala silang maibigay na CCTV footage.

Nilinaw pa niya na hindi lamang ang imbestigador ang nakakita sa pangyayari dahil maraming nakakita sa ginawang pag-aamok at paghahabol ng biktima.

Panawagan niya sa publiko na huwag matakot na makipag-ugnayan sa pulisya dahil wala namang nagaganap na cover up sa naturang kaso.

Hiit niya, hindi sinadya ng kanilang personnel ang pagbaril sa nasawi na si Palogan.