KALIBO, Aklan – Ipinagbunyi ng mga kaanak ng mag-amang Aklanon na kabilang sa 58 biktima ng Maguindanao massacre ang naging hatol ng husgado sa mga pangunahing akusado sa karumal-dumal na krimen.
Ayon kay retired police Colonel Wilson Oquendo na tubong Altavas, Aklan, sinubaybayan nito ang promulgation kahapon kung saan, ikinatuwa nila ang “guilty verdict” kahit na umabot pa ng isang dekada ang itinagal sa paglilitis.
Hindi umano sila nabigo sa inaasahang hatol at ipinagpasalamat ito ng kanilang pamilya dahil nakamit na ng mag-amang abogado na sina Atty. Cynthia at Atty. Catalino Oquendo ang hustisya.
Si Atty. Cynthia ay abogado ng pamilya Mangudadatu kung saan, sinamahan siya ng ama upang ipakita ang suporta kay Genalyn Tiamzon-Mangudadatu upang mag-file sana ng candidacy noong Nobyembre 23, 2009 para sa kanyang asawa na ngayon ay Maguindanao congressman na si Esmael “Toto” Mangudadatu.
Nabunutan na aniya sila ng tinik dahil sa wakas ay mabubulok na sa bilangguan ang mga responsable sa krimen na naging dahilan ng kanilang lungkot at sakit ng mahabang panahon.