ILOILO CITY – Umalma ang pamilya ng dalawang guro na nasagasaan ng sports car sa Sen. Benigno Aquino matapos inilihim umano ng pulisya ang pagpiyansa ng driver.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Joe Marie Osano, 49-anyos na school principal ng La Paz II Elementary School, at Alnie Dinah Pet-Osano, 45, guro sa Ticud Elementary School, kung saan magja-joging sana ang mga ito sa Iloilo River Esplanade.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Manong Molong, bayaw ni Joe Marie, sinabi nito na patuloy pa ang kanilang pagproseso upang masampa ang kasong reckless imprudence resulting to double murder laban kay June Paul Valencia 32, ng Zone 4 Escarilla Subdivision sa Barangay Airport, Mandurriao, Iloilo City.
Aniya, tinago pa ng Mandurriao Police Station ang impormasyon sa pamilya ng mga biktima na nilalakad na ang pagpiyansa ni Valencia.
Patuloy naman na inaalam ang kaugnayan ng hepe ng Mandurriao-Philippine National Police na si Police Major Marlon Valencia sa suspek kung saan parehong Valencia ang kanilang apelyido.
Samantala, ibinunyag ng pamilya ng mga nasawing guro na inalok sila ng pamilya Valencia ng tig-iisang milyong piso kapalit ng buhay ng mag-asawang guro.