-- Advertisements --

NAGA CITY – Nanawagan ngayon kay Pangulong Rodrigo Duterte ang ina ng isa sa dalawang menor de edad na muntik nang makidnap sa bayan ng Pili, Camarines Sur na ‘wag nang mabigyan ng pagkakataong makalaya ang mga suspek sa naturang insidente.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Lerma Velosa, sinabi nitong kung siya ang masusunod, ayaw na niyang makalabas pa sa kulungan ang mga suspek na itinuturong nasa likod ng naturang insidente para hindi na makapangbiktima pa.

Kaugnay nito, ayon kay Velosa, hindi nila maiwasang mangamba sa seguridad ng mga bata lalo na tuwing pumapasok sa paaralan.

Samantala, aminado naman ang isa sa mga biktima na hanggang sa ngayon ay nakakaramdam pa rin sila ng labis na takot kaugnay ng pangyayari.

Kwento nito, habang hinihila silang magpinsan ng mga suspek papasok sa pick-up, nagawa niyang sipain ang isa sa mga ito kaya nang nabitawan siya, agad silang nakatakbo at nakahingi ng tulong.

Samantala, anasa kustodiya naman ngayon ng mga otoridad ang tatlong suspek matapos mahuli sa bayan ng Ocampo habang nagpapatuloy naman ang malalimang imbestigasyon kaugnay ng naturang pangyayari.