-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Hustisya pa rin ang sigaw ng mga pamilya ng 58 biktima ng Maguindanao massacre kung saan 32 rito ay mga mamamahayag na hanggang ngayon ay hindi pa rin nila nakakamit.

Kasunod ito ng pagbisita ng mga ito nitong araw ng Linggo sa massacre site sa Sitio Masalay, Barangay Salman, Ampatuan bago ang paggunita ng ika-10 anibersaryo ng malagim na pangyayari.

Mahigit 100 miyembro ng pamilya ay nag-alay ng panalangin at bulaklak at nagsindi rin ng kandila sa markers ng mga biktima matapos ang isinagawang misa.

Ang mga anak naman ng mga biktima ay nagsagawa ng makabagbag-damdaming play na nagpaiyak sa lahat.

Sa Sabado, Nobyembre 23, limang araw bago ang mag-iisang dekada na anibersaryo ng Maguindanao Massacre, nananatiling mailap ang hustisya.

Nabatid na naka-schedule na sana sa Nobyembre 20, pero humiling ng 30-day extension si Quezon City Judge Jocelyn Solis-Reyes sa paglalabas ng promulgation ng kaso bunsod umano ng maraming testimonya at mga ebidensya at ito naman ay pinagbigyan ng Supreme Court.

Ipinako ni Judge Reyes na bago mag-Disyembre 20, 2019 o sa mismong araw ay maglalabas ng decision ukol sa kaso.

Pero ayon kay Nonoy Espina, chairman ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa kabila nito umaasa pa rin sila sa guilty decision laban sa mga Ampatuan na siyang aprincipal suspects at iba pang mga salarin sa masaker.

Sa may bahagi ng massacsre site sinunog ng mga anak ng mga media victims ang mga tarpaulins na may larawan ng Ampatuan brothers.

Nabatid na dakong alas-9:30 kahapon ng umaga nang makarating sa massacre site ang mga pamilya.

Pagkatapos ng isinagawang programa ay kaagad na dumiretso ang grupo sa Forest Lake cemetery dito sa GenSan at nagsagawa ng candle lighting sa puntod ng 12 biktima ng masaker.