-- Advertisements --

Ikinalugod ng mga pamilya ng mga biktima ng war on drugs ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw ng Martes, Marso 11.

Ito ay halos 7 taon mula ng kanilang ihain ang reklamo sa International Criminal Court (ICC) noong 2018 laban kay ex-PRRD para sa umano’y crimes against humanity dahil sa mga pagpatay sa kampaniya kontra iligal na droga noong kaniyang administrasyon.

Ayon sa legal counsel ng pamilya ng drug war victims na si ICC Assistant to Counsel Atty. Kristina Conti, umaasa siya at ang kaniyang mga kliyente na humantong ang pagkakaaresto sa dating Pangulo sa trial o paglilitis.

Aniya, dapat na dalhin si Duterte sa ICC sa The Hague, Netherlands. Subalit nakadepende aniya ito sa ilang mga factor gaya ng availability ng flights gayundin ang kaligtasan at seguridad ng akusado.

Saad pa ni Atty. Conti na 8 taon ang average period ng paglilitis sa ICC, depende sa kung gaano hahamunin ng kampo ni Duterte ang mga kaso laban sa kaniya.

Ginawa ni Atty. Conti ang pahayag matapos kumpirmahin ng Malacañang ngayong araw na nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang dating Pangulo matapos arestuhin para sa crimes against humanity.

Kung saan ayon sa Presidential Communications Office (PCO), isinilbi ng isang prosecutor mula sa ICC ang arrest warrant laban sa kaniya pagkadating ng dating Pangulo sa Maynila mula sa Hong Kong.