Maaari pa ring magsumite ng mga ebidensiya ang pamilya ng mga biktima ng drug war sa International Criminal Court (ICC) kahit pa tinapos na ng gobyerno ng Pilipinas ang engagement nito sa tribunal ayon sa isang abogado.
Ang naging desisyon nga ng gobyerno ng Pilipinas ay kasunod na rin ng pag-apruba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mag-disengage o kumalas na sa permanent court matapos ibasura ng ICC Appeals Chamber ang apela ng pamahalaan na ihinto ang imbestigasyon sa madugong war on drugs ng Duterte administration.
Ayon kay Kristina Conti, ICC assistant to counsel at secretary general ng National Union of Peoples’ Lawyers – National Capital Region na magpapatuloy pa rin ang imbestigasyon at pagkalap ng mga ebidensiya.
Bagamat mayroon aniyang mga pinagsama-samang datos ang gobyerno ng Pilipinas sa war on drugs gaya ng reports mula sa kapulisan at Scene of the Crime Operatives (SOCO), sinabi ni Conti na mayroon ding hawak na mga ebidensiya ang mga pamilya ng mga biktima kabilang ang mga testimonial evidence na wala sa gobyerno gayundin ang eyewitness accounts.
Dagdag pa ng counsel na madali aniyang madadala sa ICC ang nasa 7,000 dokumento na kanila ng naisumite sa Philippine National Police kaugnay sa nakabinbing kaso sa Korte Suprema sa isyu ng Oplan Tokhang.
Ipinunto din nito na walang banta ang pagsisiwalat sa publiko ng mga dokumento dahil ito ay classified data kayat hindi maigigiit ng PNP ang national security.
Una rito, sa latest data na inilabas ng gobyerno ng Pilipinas, nasa 6,181 indibiwal ang napatay sa mahigit 200,000 anti-drug operations ng PNP.
Subalit ayon sa ICC prosecutors, mas mataas dito ang tinatayang death toll na pumapalo sa pagitan ng 12,000 at 30,000 katao.