-- Advertisements --

Hiniling ng pamilya ng apat na umano’y mga biktima ng Duterte drug war sa National Bureau of Investigation(NBI) na imbestigahan ang umano’y mga serye ng online harassment na pawang ipinupukol sa kanila.

Tinulungan ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) ang mga pamilya upang pormal na hilingin sa NBI ang isang masusing imbestigasyon na labis umanong lumubo mula noong inaresto si dating Pangulong Rodrigo Duterte, halos isang buwan na ang nakakalipas.

Ayon sa NUPL, ang mga serye ng pag-atake ay sa ginagamitan ng iba’t-ibang paraan tulad ng mga edited picture, gawa-gawang mga kuwento, hate speech, disinformation o fake news, at iba pa na pawang binuo upang siraan ang pamilya ng mga biktima.

Maliban sa mga biktima, kasama rin umano sa mga nakakatanggap ng malawakang online harassment ang mga abogadong kumakatawan sa kanila.

Naniniwala ang NUPL na ang mga nagsasagawa ng naturang harassment ay pawang mga supporter ng kampo ni dating Pang. Duterte at mga bayarang troll na pawang umaatake sa lahat na hindi pumapabor sa kanilang paniniwala o paninindigan.

Pagtitiyak ng grupo ng mga abogado, hindi sila mananahimik at pipiliting labanan ang serye ng mga harassment at online disinformation, gamit ang katotohanan.

Giit ng grupo, nagawa nilang tumulong upang tuluyang maaresto ang dating pangulo at hindi ito titigil hangga’t hindi naihahatid ang hustisya.