Ikinokonsidera ng House Committee on Human Rights ang pag-imbita sa pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJK) noong ipatupad ng administrasyong Duterte ang madugong war on drugs campaign sa isasagawa nitong imbestigasyon.
Sa isang pulong balitaan sa Kamara de Representantes, sinabi ng chairperson ng komite na si Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., na aanyayahan din sa pagdinig ang mga dating pulis at opisyal ng dating administrasyon na may kinalaman sa madugong kampanya.
Libu-libong Pilipino ang nasawi, kabilang ang 122menor de edad nang ipatupad ni dating Pangulong Duterte ang anti-illegal drug campaign nito, ayon na rin sa tala ng World Organization Against Torture (OMCT) at ng Children’s Legal Rights and Development Center (CLRDC).
Ayon pa sa grupo, ang mga batang biktima ay pinaslang bilang direct target, kapalit, at bunsod ng mistaken identity o “collateral damage.”
Bilang bahagi ng parliamentary courtesy, sinabi ni Abante na hindi aanyayahan sa imbestigasyon si Duterte, at Sen. Bato dela Rosa na naging PNP chief ng nakalipas na administrasyon.
Sinang-ayunan din ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, vice chairman ng human rights panel, na hindi na imbitahan si Sen. Dela Rosa bilang courtesy sa mga miyembro ng Senado.