Lumipad patungong The Hague sa The Netherlands ang mga pamilya ng mga Israeli na bihag ng militanteng Hamas para i-pressure ang International Criminal Court (ICC) para imbestigahan ang naturang grupo.
Isinisigaw ng mga pamilya at aktibista ang mga katagang “Bring them Home now”, habang winawagayway ang watawat ng Israel at hawak-hawak ang larawan ng kanilang mahal sa buhay na bihag ng Hamas sa kabila ng pag-ulan malapit sa headquarters ng ICC.
Ayon sa maybahay ng bihag ng Hamas na si Raz Ben Ami, nagtungo sila sa ICC para idemand ang hustisya.
Sinabi naman ni Shelly Aviv Yeini mula sa Hostage Families forum na tiwala silang may kapasidad ang ICC na makakamit ang hustisiya para sa mga bihag at kanilang pamilya.
Ang Israel ay hindi miyembro ng ICC at hindi kinikilala ang hurisdiskiyon nito subalit ang Palestinian territories ay naibilang na miyembro ng ICC noong 2015.
Kinumpirma naman ni Prosecutor Karim Khan na ang korte ay mayroong hurisdiksiyon sa nangyaring October 7 attack sa katimugang bahagi ng Israel na ikinasawi ng humigit-kumulang 1,200 katao at binihag ng Hamas ang 250 indibidwal patungo sa Gaza