ILOILO CITY – Pansamantalang naibsan ang kalungkutan na nararanasan ngayon ng mga naiwang pamilya ng mga biktima ng Iloilo Strait tragedy dahil sa natanggap na panibagong tulong pinanysal.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Edgar Gardoce, asawa ng namatay na si Niña Gardoce, sinabi nito na sa kabila ng dinaramdam na hirap at sakit dahil sa pagkawala ng kanyang asawa, nagpapasalamat siya dahil sa tulong pinansyal na ibinigay ng OVY Foundation at ng Ceres liner sa pamamagitan ng Bombo Radyo Philippines.
Ayon kay Gardoce, lubos ang kanyang pasasalamat dahil sa malasakit na ipinakita at pinaramdam sa kanila sa kalagitnaan ng kanilang paghihinagpis.
Ani Gardoce hanggang ngayon nasasaktan pa rin siya sa nangyaring trahedya dahil hindi na niya makakasama pang muli sa paghahanapbuhay ang kanyang pinakamamahal na asawa.
Sa ngayon aniya, pinapanalangin na lang niya sa Diyos na hindi na maulit pa ang nangyaring Iloilo strait tragedy upang wala nang pamilyang luluha pa dahil sa pagkawala ng kanilang mahal sa buhay.
Napag-alaman na nakatanggap ng P10,000 ang bawat pamilya ng 31 isang biktima na nasawi sa nasabing trahedya.
Kabuuang P310,000 ang inilaan para sa mga pamilya ng mga biktima.