KORONADAL CITY – Lubos ang pasasalamat ng pamilya ng nag-iisang Pinoy na na nakasama sa repatriation ng United Kingdom sa bansang Afghanistan na ligtas ito at nakatakda nang makauwi sa bansa.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Virgie Gumpal, asawa ni Joseph Glenn Gumpal, ang presidente ng Samahan ng mga Pilipino sa Afghanistan, maswerte ang kanyang asawa na nakasama sa isinagawang pag-rescue ng bansang UK sa Afghanistan dahil sa British national ang employer nito at karamihan sa mga kasama sa trabaho.
Ayon kay Gng. Gumpal, huli niyang nakausap kaninang madaling araw si Joseph at sinabi nitong nasa bansang UK na ito at ligtas na.
Ngunit, nababahala umano ito sa higit 70 mga Pinoy na hindi pinahintulutan Taliban na makapasok sa airport o maging sa military camp ng US forces na nagbibigay seguridad sa mga refugees sa nabanggit na bansa matapos makuha ng Taliban militants ang pamumuno.
Sa ngayon, hiling ng pamilya ng higit 70 mga Pinoy na kasama ni Joseph na naiwan sa Afghanistan na matulungan ang mga ito na ma-rescue at mapauwi sa bansa upang masiguro ang kaligtasan ng mga ito laban sa Taliban.