BAGUIO CITY – Nagsagawa ng katutubong ritwal ang pamilya ng nag-iisang pulis na tubong Benguet na nasawi sa twin bombings sa Jolo, Sulu kahapon.
Una nang nakilala ang nasawing bayani na si Police Senior Master Sergeant Joe Michael Ananayo Langbis na isang SAF trooper.
Pinamunuan naman ng ama nito na si Juan Langbis ang isinagawang ritwal.
Ayon naman sa ina nitong si Susan Langbis, gusto nilang marespeto ang kultura ng mga mamamayan ng Cordillera at maiuwi sana ang mga labi ng kanilang anak sa kanilang tahanan sa Tadiangan, Tuba, Benguet.
Napag-alaman sa pamilya na nagpa-convert na Muslim si PSMSgt. Langbis at nakapag-asawa ito sa Mindanao kung saan biniyayaan sila ng dalawang anak.
Sinabi ng kapatid ng pulis na hindi pinayagan na maiuwi dito sa Benguet ang labi ni PSMSgt. Langbis ngunit iniaapela ng pamilya na kung pwede ay kahit ilang araw na ilagak ang bangkay nito sa kanilang tahanan bago ibalik sa Mindanao.