-- Advertisements --
lucky plaza singapore OFW
Flowers offered near Singapore’s Lucky Plaza where the accident took place.

LA UNION – Inaasahan darating sa kanilang tahanan sa Barangay San Carlos Caba, La Union ang bangkay ni Arlyn Nucos isa sa mga namatay sa aksidente sa Singapore mamayang hapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo La Union kay unit head assistance Loreta Vergara ng Overseas Workers Welfare Administration Regional Office 1, inaasahan sa dakong hapon darating sa lalawigan ang labi ni Nucos.

Ayon sa kanya, unang isinagawa ang inspection sa naturang bangkay upang malaman kung ito nga si Nucos sa pamamagitan ng quarantine bago itinungo sa isang punerarya.

Siniguro naman ng OWWA Region 1 ang ibibigay na tulong sa mga naulila ni Nucos

Samantala, hindi naman maiwasan ni Erlinda Nucos-Fider, panganay sa mga pinsan nina Arlyn na isipin ang pagiging mabait at mapagbigay nito sa kanila kung saan masakit para sa kanila ang naging kapalaran nito sa ibang bansa.

Ayon kay Fider, sadyang mabait ang amo ng mga pinsan nito kung saan inirekomenda sila ng kapatid nitong nasa bansang Canada na ngayon na unang nanilbihan bago ang mga ito.

Hindi rin umano nila naramdaman ang saya ng bagong taon dahil sa malagim na nangyari sa kanyang mga pinsan.

Kaugnay nito, aabot naman sa dalawang linggo ang lamay sa bangkay ni Nucos ayon sa kapatid nitong si Barangay Kagawad Reyaldo Nucos bilang pagtanaw sa mga magandang nagawa nito sa pamilya.