KORONADAL CITY – Hanggang sa ngayon hindi pa rin humuhupa ang lungkot ng pamilya Pabalinas kaugnay sa sinapit ng kanilang kaanak at isa sa mga biktima ng itinuturing na SAF-44 na si Police Senior Insp. Ryan Pabalinas.
Kaugnay ito sa paggunita sa ikalimang anibersaryo ng Mamasapano incident na ikinamatay ng 44 na kasapi ng PNP-Special Action Force (SAF) noong Enero 2015.
Para kay Police Capt. Richard Pabalinas, kapatid ng nasawing kasapi ng SAF sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal, naroroon pa rin ang hinagpis na kanilang nararamdaman ngunit bilang isang pulis, tanggap niya ang sinapit ng kaniyang kapatid lalo na’t bahagi ito ng kanilang sinumpaang tungkulin.
Patuloy rin aniya ang pagtanggap ng mga benepisyo mula sa gobyerno ng naulilang pamilya ng kaniyang kapatid ngunit mas mabuti sana kung buhay siya.
Samantala, naniniwala si Pabalinas na dapat managot si dating Pangulong Benigno Aquino III bilang commander-in-chief dahil responsable umano ito sa decision making sa kahihinatnan ng kaniyang mga tropa.
Sa ngayon ay plano ng pamilya Pabalinas na magnilay-nilay at magdasal upang gunitain ang kabayanihan ni Pabalinas.