-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nakapagbigay na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol ng tulong pinansyal na mahigit sa P15,000 bilang initial assistance sa pamilyang naiwan ng stranded worker na namatay sa Pasay City.

Si Michelle Silvertino ay namatay matapos ang limang araw na pamamalagi sa footbridge sa naturang lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DSWD Bicol Director Arnel Garcia, nagpadala sila ng tauhan sa Brgy. Burabod, Calabanga, Camarines Sur upang personal na iabot ang tulong sa apat na anak ni Michelle.

Nagbigay rin ng educational assistance para sa mga anak nito sa pamamagitan ng Aid for Inviduals in Crisis habang isusunod ang para sa isang buwan na foodpacks sa pamilya.

Nabatid rin na miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) si Michelle kaya ililipat na lang sa naulilang anak ang Conditional Cash Transfer.

Samantala, kahit pa hindi sigurado sa kondisyon ng kalusugan ni Silvertino bago mamatay, siniguro ni Garcia ang pagbibigay ng burial assistance sa biktima kung iuuwi sa rehiyon.