Umapela ng “privacy” ang pamilya ni Jullebee Cabilis Ranara dahil nagsimula na ang burol nito sa kanyang tahanan sa Las Piñas City.
Mahigpit na binabantayan ang lugar ng burol ni Ranara, kasama ang mga pulis, traffic enforcer at mga tauhan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Kung matatandaan, ang mga labi ng Pinay OFW na si Ranara, na nagtatrabaho sa Kuwait, ay dumating sa Pilipinas noong Biyernes ng gabi.
Bago ang naturang paghimlay ng kanyang katawan, nakipagpulong si OWWA administrator Arnell Ignacio sa pamilya ni Ranara noong Sabado ng gabi.
Ayon sa mga ulat, natagpuan ang nasunog na bangkay ni Ranara sa isang disyerto sa Kuwait noong nakaraang linggo at agad naman na inaresto ng mga awtoridad sa Middle Eastern country ang anak ng kanyang amo na umano’y suspect sa pagpaslang sa biktima.
Una na rito, ang pagkamatay ni Ranara ay nagbunsod ng mga panawagan para sa deployment ban ng mga manggagawang Pilipino sa Kuwait, at pagrepaso sa mga bilateral na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait.