-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN -Hustisya at katarungan ang hiling ng pamilya ng isang Overseas Filipino Worker na si Marjorette Garcia matapos itong masawi sa kaniyang pinatatrabahuan sa Saudi Arabia nang wala pang malinaw na dahilan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Titay Biay Gonzales, ina ng nasawing Overseas Filipino Worker, Setyembe 15 nang huli nila itong nakausap.

Ikinabigla na lamang nila nang ika-17 ng Setyembre ay napabalitaan na lamang nila umano sa employer nito na ito ay pumanaw na at pinapauwi na ng Pilipinas ang labi nito.

Ngunit, ipinagtataka lamang nila kung paano ito makababalik ng bansa kung hindi naman aniya ibigay ang passport ng kaniyang anak.
Nakumpirma na lamang nilang namayapa na talaga ito noong ika-27 ng Setyembre.

Saad pa ni Gonzales, hindi pa matukoy ang tunay na nangyari sa kaniyang anak dahil maliban sa wala pang malinaw na imbestigasyon, ay may dalawang bersyon ang maaaring pinag mulan nito.

Matatandaang nabanggit na rin umano ng kaniyang anak na hindi nito nakakasundo ang babaeng amo nito.

May nakapagsabi din na sinaksak ito ng naging nakatrabaho nito na Kenyan national.

Ngunit dagdag ni Gonzales, pinabalik na ito ng amo ng kaniyang anak sa agency nito kaya tila’y malabo din ito mangyari.

Labis na ikinalulungkot lamang ng pamilya ni Garcia dahil sa ika-dalawang taon nito sa Oktubre ay magtatapos na din ang kontrata nito.

Sa kasalukuyan ay nakikipagtulungan na sila sa tanggapan ng Overseas Workers Welfare Administration at Philippine Overseas Employment Administration upang mabigyan na ng malinaw na imbestigasyon ang pangyayari.

Samantala, wala din kasiguraduhan kung kailan makakauwi ng Pilipinas ang kanyang mga labi.