BACOLOD CITY – Hindi umano alam ng pamilya ng 43-anyos na negosyante mula sa Negros Occidental na sumailalim ito sa liposuction at namatay kasunod ng mga komplikasyon.
Sa pagbisita ng Bombo Radyo Bacolod sa bahay ni Nory Bobadilla sa Villa Santa Maria, Barangay Sto. Rosario, Binalbagan, Negros Occidental, sinabi ng mga katulong nito na umalis ang kanilang amo nitong Hulyo 3 nang madaling araw upang pumunta ng Maynila.
Regular na kasi itong gawain ng biktima bilang bahagi ng negosyo ng kanilang pamilya ngunit hindi alam ng kanyang mister at mga anak na pupunta rin pala ito sa isang cosmetic clinic.
Nabatid na sumailalim sa liposuction sa Contours Advanced Face and Body Sculpting Institute sa Makati City si Bobadilla sa parehong araw.
Bigla umano itong nawalan ng malay kaya dinala sa Parañaque Doctors Hospital at makalipas ang ilang araw na ito ay comatosed, binawian ng buhay ang ina.
Sa ngayon, nasa Maynila na ang mister ng biktima na si Bern at panganay na anak upang asikasuhin ang kaso laban sa dalawang doktor sa Contours clinic at maiuwi ang bangkay nito.
Tumanggi naman ang mga anak ni Bobadilla na magbigay ng iba pang statement dahil hindi pa alam ng pitong taong gulang na bunso ang nangyari sa kanilang ina at kanya itong hinahanap.