LAOAG CITY – Hindi mailarawan ng pamilya ni Mr. Gelienor “Jimmy” Pacheco, ang caregiver sa Israel ang kanilang nararamdaman matapos isa ito sa mga unang pinalaya ng militanteng Hamas.
Ayon kay Mrs. Jellina Pacheco Gamiao, ang tiyahin ni Pacheco na residente sa Barangay Cabayo sa bayan ng Vintar dito sa Ilocos Norte, nalaman niya mula sa asawa ni Pacheco na ito ang nag-iisang Pilipino na unang pinalaya ng Hamas.
Sinabi nito na gumaan ang kanilang pakiramdam matapos mabalitaan na nasa maayos na kondisyon na si Pacecho na kasalukuyang nasa ospital sa Israel.
Inalala pa nito ang sakit na kanilang naramdaman noong nalaman nila na isa si Pacecho sa mga kinidnap ng Hamas noong inatake nila ang Israel.
Samantala, sinabi naman ni Mrs. Realyn Gamiao, ang hipag ni Pacheco na kahit mabigat sa dibdib at walang kasiguraduhan ang kaligtasan noon ni Pacheco ay hindi sila nawalan ng pag-asa at palaging nananalangin.
Dagdag nito na nalaman nila ang magandang balita mulsa sa asawa ni Pacheco na si Clarice Pacheco na sa ngayon ay nasa lalawigan ng Cagayan at nagkausap na rin ang mga ito.
Nabatid na taong 2018 unang pumunta ng bansang Israel si Pacheco at nagbakasyon lamang sa Pilipinas noong Mayo ngayong taon nang namatay ang kanyang pinsan.