-- Advertisements --
IMAGE | Department of Foreign Affars (DFA)

Sinisikap na ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mahanap ang pamilya o sino mang kamag-anak ng isang repatriated overseas Filipino worker mula China na may sakit na amnesia.

Ayon sa Office of the Consular Affairs ng DFA, walang available record sa e-passport database ng manggagawang si Richard Soriano Reyes.

Hindi rin daw machine-readable ang passport nito.

Katunayan, nakumpirma lang daw ang pagkakakilanlan ni Reyes nang makita ang record nito sa National Bureau of Investigation.

Pero gaya ng sa kanyang passport, wala rin umanong detalye roon ukol sa kapamilya o kamag-anak.

Batay sa report ng DFA, dumating ng Pilipinas si Reyes noong March 29 at agad dinala sa Las Piñas General Hospital.

Ito’y matapos mabatid na na-stroke ito at magka-brain hemorrhage noong 2017.

Nauna ng inako ng kagawaran ang medical bills ng OFW noong nasa China pa ito habang patuloy na kino-contact ang umano’y mga kamag-anak nito batay sa kanyang lumang records sa DFA.