ROXAS CITY – Personal na dumulog sa Bombo Radyo Roxas ang ama ng isang overseas Filipino worker (OFW) sa Riyadh, Saudi Arabia dahil sa diumano pagmaltrato ng employer sa kanyang anak.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Roxas kay Wilson Bolido ng Barangay Talon, Roxas City, sinabi nito na nag-aalala na sila sa sitwasyon ng anak na si Roselyn Bolido Rotolo matapos na dalawang linggo na itong hindi kumokontak sa kanila.
Ngunit bago nawala ang kanilang komunikasyon ay sinabi ng biktima sa ama na gusto nitong umuwi dahil nahihirapan na ito sa kanyang trabaho bilang household service worker.
Nabatid na hindi lamang ang bahay ng employer ang kanyang nililinis, kundi maging ang bahay ng kaibigan ng kanyang employer.
Inireklamo rin ng biktima ang hindi sapat na pagkain na binibigay sa kanya, kung kaya palaging sumasama ang kanyang pakiramdam dahil sa gutom.
Ikinukulong rin aniya si Roselyn sa kanyang silid at kinukuha ang cellphone para hindi makapagsumbong.
Sa ngayon ay gusto lamang ni Mr. Bolido na makauwi na sana sa Pilipinas ang anak, para hindi na sila mag-alala pa.
Napag-alaman na may asawa at dalawang anak ang OFW na naiwan sa Pilipinas.