Ikinagalit ng pamilya Alvarado ang nadiskubre nilang ibang katawan na naipadala sa kanila, kasunod ng pagkamatay ng kaanak sa Kuwait noong Enero 2, 2025
Kinilala ang OFW bilang si Jenny Alvarado. Natuklasan ng kaniyang pamilya na ibang katawan ang naipadala sa kanila habang nasa punerarya sa Montalban, Rizal.
Napansin umano ng pamilya na iba ang mukha at body feature ng katawan na naipadala sa kanila kumpara sa tunay na hitsura ni Jenny.
Nangako naman si Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnell Ignacio ng malalimang imbestigasyon sa naturang insidente. Binisita kasi ni Ignacio ang lamay at siniguro ang agarang pagsasagawa ng imbestigasyon.
Naglunsad na rin ang Department of Migrant Workers (DMW) ng sarili nitong imbestigasyon kasama ang pangako na agarang maibabalik sa Pilipinas ang mga labi ni Jenny.
Napag-alaman na ang mga labi nito ay kasalukuyan pa ring nasa ospital.
Batay sa naunang report na inilabas ng Embahada ng Pilipinas na nakabase sa Kuwait, nasawi si Jenny, kasama ang dalawang iba pang Nepali worker dahil sa coal suffocation.
Gayunpaman, pinagsususpetsahan ng pamilya Alvarado na may foul play sa nangyari.