-- Advertisements --

CEBU CITY – Nananawagan ngayon ng malalimang imbestigasyon ang pamilya ng isang OFW na nanggaling sa Cambodia matapos itong namatay sa loob ng isang hotel quarantine facility na nakatayo sa Central Business destination ng Cebu City sa Barangay Apas sa lungsod.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Ken Torbeso, ang anak ng OFW, sinabi nitong duda sila sa ginawang daily monitoring sa mga naka-quarantine.

Aniya, kung tama lang sana ang ginawang monitoring at walang pagpapabaya, sana’y buhay pa ngayon ang kanyang ina.

Dagdag ni Toreboso, kung hindi na kinain ng kanyang ina ang packed meals na araw-araw na inihatid ng medical staff, dapat sana’y naalarma na sila at tiningnan ang kondisyon nito, lalo at alam ng mga staff na may asthma ito.

Ayon pa ng anak, September 1 hanggang September 3 ay nakakausap pa nila ang kanyang ina sa pamamagitan ng video call, text at phone calls ngunit noong September 4 ay hindi na ito tumatawag.

Ipinagsawalang bahala umano ito ng pamilya sa pag-aakalang hindi lang gumagana ang bagong sim card nito, hanggang sa nakatanggap na lang sila ng tawag galing sa OWWA na patay na ang kanyang ina.

Sa ngayon, wala pang statement ang hotel administration at diumano’y hindi rin ito nakikipagtulungan sa pamilya.