-- Advertisements --
ofw KUWAIT Jeanelyn Villavende

KORONADAL CITY – Humihingi ng tulong kay Presidente Rodrigo Duterte ang tiyahin ng isang overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait na pinaniniwalaang pinatay ng kanyang employer

Kinilala ang biktima na si Jeanelyn Villavende, 26, residente ng Brgy. Tinago, Norala, South Cotabato.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Nelly Padernal, tiyahin ng biktima, gusto nilang malaman ang dahilan ng kamatayan ng kanyang pamangkin at gustong maiuwi ang bangkay ng biktima sa kanilang lalawigan.

Labis na sakit umano ang kanilang nararamdaman lalo na at magbabagong taon.

Inihayag din ni Nelly na gusto lamang ni Jeanelyn na makatulong at makapag patayo ng bahay para sa kanyang pamilya dahilan upang lumabas ito ng bansa.

Napag-alaman na panganay sa dalawang magkapatid ang biktima at siyang inaasahan ng pamilya na aahon sa kanila sa kahirapan.

Samantala, una rito ipinatawag na rin ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin ang Kuwaiti ambassador sa Pilipinas kasunod na rin nang napaulat na pagpatay ng employer sa Pinay worker sa Kuwait.

kuwait dfa locsin

Sinasabing ang pagpapatawag sa Kuwaiti envoy na si Ambassador Musaed Salem Al Thuwaikhupang ay upang personal na ipaabot ang mariing pagkondena at pagkagalit umano ng mga Filipino sa pangyayari.

Sa isang statement nakiusap si Locsin sa gobyerno ng Kuwait na sana kumilos nang agaran upang mabigyan ng hustisya sa lalong madaling panahon ang pagkamatay ng Pinay DH.

“I beg you give her justice. We will go after the Filipino recruiters and government officials who put her in harm’s way,“ ani Secretary Locsin sa Kuwaiti Ambassador. “The friendship between your country which gives our people the jobs they cannot find at home and our people whose faithful service make the life of your people easier depends on justice being done the murdered maid. An eye for an eye, a life for a life.”