ILOILO CITY – Mistulang nabawasan ang paghihinagpis ng pamilya Claveria matapos na maaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Candaba, Pampanga ang suspek sa pagpatay sa overseas Filipino worker (OFW) na si Angelo Claveria.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mary Mae Claveria ng Poblacion Rizal Ilawod, Cabatuan, Iloilo at kapatid ni Angelo, sinabi nitong matagal na nilang pinapanalangin na mahuli na ang suspek na pumatay sa kanyang kapatid.
Ayon kay Mary Mae, matagal rin sila naghintay ng update mula sa South Korean at Philippine authorities hinggil sa development ng kaso.
Inihayag din ni Mary Mae na may duda na ang kanilang pamilya noon pa man na si Yuguslav Magtoto ang suspek sa pagpatay kay Angelo ngunit wala naman silang ebidensiya.
Nakilala nila si Magtoto sa pamamagitan ng mga social media post ni Angelo na palaging magkasama ang suspek at ang biktima.
Sa ngayon, ipinapaubaya na lang ng pamilya Claveria sa mga otoridad kung ano ang kahihinatnan ni Magtoto.
Napag-alaman na si Claveria ay pinatay ni Magtoto dahil umano sa pagtanggi ng biktima na makipagrelasyon sa suspek.
Pinaniniwalaang ilang taon na ang nakalilipas bago matagpuan ang kalansay ni Angelo sa loob ng septic tank sa South Korea.