KORONADAL CITY – Humihingi ng tulong sa ngayon ang pamilya ng isang Pinay na umano’y pinatay ng employer sa bansang Kuwait.
Una nang kinilala ang biktima na si Jeanelyn Villavende, 26, residente ng Baragay Tinago, Norala, South Cotabato.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Nelly Padernal, tiyahin ni Jeanelyn, sinabi nito na maglilimang buwan pa lamang ito sa kanyang employer sa Kuwait at hindi nila inaasahan na ganito ang mangyayari sa kanya.
Ayon kay Padernal, ipinaalam lamang sa kanila ng DFA kahapon na binawian ng buhay si Jeanelyn sa isang ospital sa Kuwait at hindi pa nila alam ang dahilan ng pagkamatay nito dahil nagpapatuloy pa umano ang imbestigasyon ng mga otoridad.
Bago pa umano ang balitang napatay ito ng kanyang employer ay ilang buwan na siyang hindi makontak ng kanyang pamilya kung saan Oktubre 27 pa ang huling pag-uusap nila sa telepono.
Sa ngayon, blangko pa rin ang pamilya Villavende kung ano talaga ang nangyari sa kanya.
Umaasa naman ang pamilya na matutulungan sila ng gobyerno na mapauwi sa bansa ang bangkay nito at maparusahan ang employer nito.
Napag-alaman na unang beses pa lamang na nangibang bansa si Jeanelyn na umalis noong buwan ng Hulyo, 2019.
Panganay naman ito sa tatlong magkakapatid kung saan nangibang bansa ito upang makatulong sa bansa at makapagpatayo sana ng bahay.
Samantala una nang nagpalawa ng statement ang DFA na mariing komokondena sa pagpatay sa naturang OFW.
“The Department of Foreign Affairs (DFA) strongly condemns the killing of another domestic worker in Kuwait purportedly by the employer’s wife. The continuing incidents of violence and abuse of Filipino domestic workers in Kuwait violates the spirit of the agreement signed in May 2018 that seeks to promote and protect their welfare. The Philippine Embassy in Kuwait is coordinating closely with Kuwaiti authorities to ensure that justice will be served.”
“The DFA has summoned the Kuwaiti Ambassador in Manila to express the Government’s outrage over the seeming lack of protection of our domestic workers at the hands of their employers and to press for complete transparency in the investigation of the case and to call for the swift prosecution of the perpetrators to the fullest extent of the law.”